Ibinunyag ng isang opisyal ng Department of Agriculture na may mga “big-time” personalities na sangkot umano sa smuggling ang tumawag sa kanya kaugnay ng mga kasong ikinakasa laban sa kanila.
Kinumpirma ito ni DA assistant secretary Federico Laciste Jr. sa ikalawang hybrid hearing ng senate committee of the whole hinggil sa talamak na agricultural smuggling sa bansa.
Tinanong ni Benguet provincial board member Robert Namoro si Laciste kung ano ang nangyari sa pakikipag-usap nito sa mga magsasaka at opisyal ng Benguet mula sa Bureau of Plant and Industry at DA noong March 19.
Inihayag ni Namoro na umamin si Laciste na may mga big-time na mga indibidwal na sangkot sa smuggling ang panay ang tawag sa kanya para sa mga pabor, kabilang ang ilang politiko.
Nilinaw naman ng DA official kay senate president Tito Sotto na wala siyang binigyan ng pabor at itinuloy niya pa rin ang pagsasampa ng mga kaso.
Bagaman tinanong kung maaaring pangalanan ni laciste ang mga tumawag sa kanya, hiniling ng opisyal na gawin na lamang ito sa executive session pero sa halip ay hiniling ni Sotto na isulat ang pangalan ng mga sangkot at isumite sa senate panel.—mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)