Maagang naramdaman ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa Tandang Sora Avenue sa Commonwealth, Quezon City, ngayong araw.
Kasunod ito ng pagsasara ng Tandang Sora flyover para magbigay daan sa konstruksyon ng MRT-7.
Ayon kay Quezon City Councilor Ranulfo Ludovica, pasado alas-6:00 pa lamang ng umaga, tukod na hanggang Quezon City Circle ang pagsisikip sa bahagi ng Commonwealth Avenue.
Sinabi ni Ludovica, sa kanilang obserbasyon nakadaragdag sa pagbibigat ng daloy ng trapiko sa lugar ang pag-okupa ng halos dalawang lane ng mga nagbababa at nagsasakay ng mga jeep at bus, gayundin ang mga nag-aabang na mga pasahero.
“Isa sa mga cause ngayon ng pagka-clog at pagka-traffic ay ‘yung pagbaba at pag-pick up ng mga pasahero ng mga bus ta jeepney, binibilangan nga namin bawat hinto, pinakamabilis na hinto sa mga jeep ay nasa 15 seconds pero ang bus humhinto sila more than 30 seconds, ‘yung time element na ito ay malaki ang maiko-contribute sa traffic.” Ani Ludovica
Kasunod nito, plano na ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang magtalaga ng mga karagdagang tauhan na tutulong sa mga MMDA constables at traffic enforcers.
“Nagde-deploy po kami ng mga tao namin na may mga megaphone para tulungan ang MMDA at enforcers natin na ang mga mananakay ay huwag okupahin ang isa o dalawang lane po, more than 800 meters na ito, ang mga tao ay sumasalubong na sa mga sasakyan, nag-uunahan na sila ay makasakay.” Pahayag ni Ludovica
(Ratsada Balita Interview)