Tatlong pinakamalaki at pinakamakapangyarihang drug trafficking syndicates sa mundo ang nagsu-suplay ng shabu sa Pilipinas.
Tinukoy ni Director Aaron Aquino ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang United Bamboo Gang o Bamboo Triad ng Taiwan, 14K Triad o Hong Kong Triad at Sun Yee on Triad ng China.
Ayon kay Aquino, may kakayahang magpadala ng tatlong tonelada ng shabu ang tatlong sindikato sa pamamagitan ng smuggling sa dagat, airport at seaport.
Sa barko na mismo aniya niluluto ang shabu at saka ilalaglag sa dagat o kaya ibinabaon sa mga dalampasigan para ipakuha sa kanilang mga kontak na Pilipino.
Sinabi ni Aquino na paborito ng Chinese Triad ang Pilipinas dahil sa malawak na coastline nito at butas butas na border na maaari nilang pasukan para ipadala ang mga kontrabando.
Sa ngayon aniya ay nakikipag ugnayan na ang PDEA sa Philippine Coast Guard at Philippine Navy para matugunan ang problemang ito.
(Ulat ni Jonathan Andal)