Pinakikilos ni Senate Committee on economic Affairs Chairperson Imee Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) gayundin ang Department of Agriculture (DA).
Ito’y para pigilan ang biglaang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa kabila ng naitalang 2.5% inflation rate ng bansa nitong buwan ng Oktubre batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay Marcos, hinahanap niya ang price monitors na labis na kinakailangan ngayong nakaaapekto na sa presyo ng pangunahing bilihin ang pananalasa ng mga bagyong Quinta at Rolly.
Batay sa isinagawang survey ng tanggapan ni Marcos sa mga pamilihan sa Quezon City, San Mateo sa Rizal at lungsod ng Maynila, lumalabas na 33 hanggang 200% ang itinaas sa presyo ng gulay.
Nasa 13 hanggang 100% naman ang itinaas sa presyo ng baboy, manok at baka sa mga palengke habang tumaas naman ng 25 hanggang 33% ang presyo ng isda.