Ipinagtataka ng United Broilers Association o UBRA ang biglaang pagtaas ng presyo ng karne ng manok sa mga pamilihan.
Ayon kay UBRA President Atty. Bong Inciong, kung ikukumpara aniya ang farm gate price nitong Abril 17 na nasa 82 pesos mas mababa ito kumpara noong Marso 16 na umabot ng 89 pesos.
Bukod dito, sinabi ni Inciong, wala pang napapaulat na namatay na mga alagang manok dahil sa init o heat stroke sa kanilang mga miyembro.
“Ang nagiging katanungan sa amin bakit nung nasa P89 siya nung March 16 hindi naman tumaas ng ganito, pagdating ngayon na mas mababa pa rin naman ang presyo kaysa noong March 16 ay tumaas, kapag nakipag-ugnayan kami sa DA ‘yan ang pag-aaralan natin kung ano ang nangyari, kasi pangkaraniwan naman na may namamatay na manok eh pero ‘yung sa heat stroke nang dahil sa init sa ngayon masyadong maaga pa, kung mapapansin niyo po ang amihan ngayon napakahaba.” Ani Inciong
Gayunman, hinala ni Inciong, posibleng inuhan lamang ng mga nagtitinda sa palengke ang presyuhan dahil sa pangambang mabawasan ang suplay ng karne ng manok kasunod ng opisyal na pagdedeklara ng panahon ng tag-init.
“Baka naunahan, ang speculation ng iba dahil biglang uminit nitong mga ilang araw, nagdeklara na ng dry season, inisip siguro na mababawasan ang dami ng manok na darating ay nagtaas na, baka nauna.” Pahayag ni Inciong
(Ratsada Balita Interview)