Isinisi ni dating Health Secretary Paulyn Ubial sa sistema sa Commission on Appointments o CA ang hindi pagkakakumpirma sa kanya bilang kalihim ng Department of Health o DOH.
Nakakuha ng labing tatlong (13) ‘no’ votes si Ubial mula sa mga miyembro ng CA.
Ayon kay Ubial, sa ilalim ng sistema ng CA, kahit na sino ay puwedeng magsalita laban sa opisyal na isinasalang sa kumpirmasyon at puwedeng mag-akusa kahit walang ebidensya.
Nakakalungkot aniya na binalewala ng mga miyembro ng CA ang mga iprinisinta niyang ebidensya para kontrahin ang mga alegasyon laban sa kanya.
Inamin ni Ubial na ginawa niya ang lahat para makumpirma ng CA kabilang na ang pag-iikot at pakikipag-usap sa mga senador at congressmen na miyembro ng CA.
“Kahit anong sabihin ko kasi talagang matatanggal ako, ang sa aking palagay since the start tatlo lang oppositor, naging apat, lima, ngayon anim, I have a feeling na kahit ilan ay hindi pa rin ako mako-confirm. I tried to do my best, I talked to the congressmen, to the senators, pabalik-balik ako, andami kong kinausap, everybody was reassuring me na I will be confirmed, pero parang puro naging pangako lang.” Ani Ubial
“I have no hard feelings, hindi ako galit individually, it’s the system, na parang anything goes, anybody can say anything about me, lambaste and destroy me, all the issues that were thrown against me, sinagot ko po yun, I have evidence, it’s documented, pero yung mga sinabi nilang mga foreign travels ko, mga pictures, family matters po yun hindi naman po binayaran ng gobyerno.”
“I don’t know how we can reform the system na sana ang basis is not what other people say about me but what I have done, my track record. Parang hindi nabigyang halaga ang aking accomplishments, ang nabigyang halaga ay yung mga tanong na I adequately answered naman.” Pahayag ni Ubial
Sa naging confirmation hearing, kabilang sa mga oppositor na humarap sa pagdinig ay si dating PhilHealth President Hildegardes Dineros.
Dito ay sinabi ni Dineros na nagsinungaling si Ubial nang sabihin nitong nag-resign siya sa puwesto at iginiit din nitong walang kakayahan ang kalihim na pangunahan ang kagawaran.
Ayon kay Ubial naging malinaw naman sa isinumite niyang minutes of the meeting na si Dineros mismo ang nagsabing siya’y magre-resign.
“I even ask him three times, “Are you sure Dr. Dineros, you want to resign?” when I said that, the CA members asked him and he answered “I don’t deny that’s what we discussed in the meeting.” Pero sinabi niya pa rin in-oust namin siya. How can I oust Dineros by myself, it’s a Board decision, there are 15 other members of the Board, hindi naman puwedeng na-convince ko lahat sila na tanggalin si Dineros.” Paliwanag ni Ubial
Idinagdag ni Ubial na tila naging personal ang atake sa kanya sa nasabing pagdinig.
“He’s (Dineros) complaining dahil meron siyang hinanakit sa akin, so I’m questioning the process, sino bang puwedeng mag-complain? Lahat ng taong galit sa akin, yung mga hindi ko pinagbigyan, puwedeng mag-complain sa CA? Is that how process goes, anybody can make oppositions? And they can use my son’s FB post, fake accounts, against me? Is that how we confirm and judge government officials? Question mark.”
“Walang evidence, even what Congressman Roque bloated out, sabi ko where’s the evidence na ako’y corrupt? Show the evidence ng corruption na ginawa ko.”
“From the very start I told them na wala akong problema sa projects because this goes to the people, the people will benefit, I made sure na we accommodated the request whatever it is but we follow guidelines, hindi naman puwedeng kahit anong hingin ninyo, meron pa ring sinusunod na criteria at standard.” Dagdag ni Ubial
Gayunman naniniwala pa rin si Ubial na nananatili ang tiwala sa kanya ng Pangulong Rodrigo Duterte.
“I’m ready to serve this government, I support the President, his administration, I love this country, I love the people.”
Si Ubial ay pang-lima na sa mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte na ni-reject ng CA sa pangunguna ni dating DFA Secretary Perfecto Yasay na sinundan nina dating DENR Secretary Gina Lopez, dating DSWD Secretary Judy Taguiwalo at dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano.
(Len Aguirre / Aiza Rendon / Ratsada Balita Interview)