Patay ang isang bigtime Chinese drug lord at shabu laboratory operator matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng Anti-Illegal Drug Group ng Philippine National Police (PNP) sa Valenzuela City.
Kinilala ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang suspek na si Mao Roy Tan na nagpapatakbo umano ng shabu lab sa Pinagbayanan Street, Barangay Lingonan ng nasabing lungsod na mula sa Mainland China.
Sa panayam ng DWIZ, sina ni Dela Rosa na nakatakdang isilbi ng mga pulis ang search warrant sa nasabing bodega nang tumakas si Tan sakay ng isang kotseng walang plaka at nakipagbarilan sa mga pulis.
Dati na umanong nag-operate si Tan ng shabu lab sa Naic, Cavite noong 2003 na kasosyo ang isang Jackson Dy at gayundin sa Scout Chuatoco Street sa Quezon City.
Iniimbestigahan pa aniya nila ang 7 pang suspek na nahuli rin sa nasabing operasyon.
Bahagi ng pahayag ni PNP Chief Ronald Dela Rosa
Sinabi din ni Dela Rosa na ito na ang sagot ng PNP sa banat ng mga kritiko na pawang mga maliliit na isda lamang ang kanilang napapatay at nahuhuli.
Babala pa ng PNP Chief, hindi sila titigil sa kanilang mga operasyon laban sa mga drug lords sa bansa at asahan na ang marami pang shabu laboratory na madidiskubre sa pinag-igting na anti-illegal drugs operations ng mga awtoridad.
Bahagi ng pahayag ni PNP Chief Ronald Dela Rosa
By Jelbert Perdez | Judith Larino | Ratsada Balita
Bag na may shabu at baril na-recover sa sasakyan ng Chinese national
Photos via Bert Mozo (Patrol 3)
Mga na-recover na pera at iligal na droga sa Hensan factory Brgy. Lingonan Valenzuela City