Kasado na ang malakihang umento sa presyo ng langis epektibo alas 6:00 ng umaga ng Martes, Setyembre 24.
Una nang nag-abiso ang kumpaniyang Shell ng aabot sa dalawang piso at tatlumpu’t limang sentimos na taas presyo sa kada litro ng gasolina.
Piso at walumpung sentimos naman ang kanilang taas presyo sa kada litro ng diesel habang nasa piso at pitumpu’t limang sentimos naman ang kanilang umento sa presyo ng kada litro ng kerosene.
Ganito rin ang itataas ng kumpaniyang Petro Gazz sa kanilang mga produktong gasolina at diesel epektibo rin sa Martes.
Ayon sa DOE o Department of Energy, ito na anila ang pinakamalaking umento sa presyo ng langis ngayong taon maliban pa sa pagtaas ng presyo nito bunsod ng pag-iral ng TRAIN Law.
Gayunman, ang dalawang piso at tatlumpu’t limang sentimos na umento sa kada litro ng gasolina ay mababa pa kaysa sa pinakamalaking rollback sa presyo nito noong Hunyo 11 na umabot sa dalawang piso at pitumpung sentimos.