May panibago na namang bawas presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis.
Piso at apatnapung sentimos (P1.40) ang tapyas presyo sa kada litro ng gasolina habang P70 naman ang rollback sa kada litro ng diesel.
Epektibo alas-12:01 kaninang madaling araw, ipinatupad na ng mga kumpanyang Flying V, Petron, Seaoil at Caltex ang kanilang oil price rollback.
Habang ala-6:00 naman ngayong umaga sumunod ang mga kumpaniyang Shell, PTT, Unioil at Phoenix Petroleum.
Samantala, may rollback din sa kerosene ang mga kumpanyang Petron, Seoil at Shell.
Ala-6:00 pa kagabi, una nang nagpatupad ng rollback ang kumpanyang Eastern Petroleum sa kanilang gasolina at diesel.
DOE
Ipinahiwatig naman ng Department of Energy (DOE) ang posibilidad na masundan pa ang pagbaba ng presyo ng langis sa susunod na linggo.
Ito’y kung hindi magbabawas ng produksyon ng langis ang mga oil producing countries partikular na sa gitnang silangan dahilan upang magkaroon ng oversupply nito.
Ayon sa DOE, hindi pa kasi nakukumbinsi ng Russia at Venezuela ang mga oil producing countries na babaan ang kanilang produksyon ng langis.
Ang ipinatupad na rollback sa presyo ng gasolina ay ang ika-apat na mula noong Enero kung saan, naglalaro na lamang sa P33 hanggang P37 ang kada litro nito.
Habang pangatlong beses naman sa diesel na may kasalukuyang presyo na 18 hanggang P25 kada litro.
By Jaymark Dagala