Inilarga na ng mga kumpaniya ng langis ang halos P2 umento sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Piso at sitentay singko sentimos (P1.75) ang itataas sa kada litro ng diesel habang P1.95 sentimos ang itataas sa kada litro ng gasolina ng mga kumpaniyang Shell at Seaoil kaninang alas-12:01 ng madaling araw.
Sinundan naman ito ng mga kumpaniyang Petron, Phoenix Petroleum, PTT at Total Philippipnes alas-6:00 ngayong umaga.
Mayroong dagdag na P1.85 sentimos sa kada litro ng kerosene ang mga kumpaniyang Petron, Shell at Seaoil.
Samantala, magpapatupad naman ang kumpaniyang Eastern Petroleum ng P1.70 naman ang taas presyo sa kada litro ng gasolina, P1.90 sa kada litro ng diesel epektibo alas-6:00 din ngayong umaga.
Paliwanag ng Department of Energy (DOE), bunsod ito ng pagmahal ng presyo ng langis sa world market na nagkakahalaga ng anim na dolyar kada bariles.
Dagdag pa ni Energy acting Secretary Zeny Monzada, maliit pa rin ang halos P2 umento sa presyo ng ng langis dahil sa pumalo ng P5 ang kabuuang ni-rollback nito mula noong Hunyo.
Kasunod nito, naniniwala naman ang ilang eksperto na hindi magtatagal ang mataas na presyo ng langis dahil sa kaunti lamang ang demand dito sa kasalukuyan.
By Jaymark Dagala