Bumigay na ang mga flour millers sa ginawang pagpapaimbestiga ng Department of Trade and Industry (DTI) hinggil umano’y sabwatan sa pagitan ng mga panadero sa presyo ng harina.
Kaya naman, ilang flour millers na ang nag-anunsyo ng P40 hanggang P60 rollback kada sako ng harina.
Ayon kay DTI Undersecretary Victorio Dimagiba, kanilang i-aatras ang reklamo sa mga tumalimang flour millers ngunit isusulong naman ang kaso para sa mga magmamatigas.
Magugunitang kapwa nanawagan sa mga flour millers at DTI gayundin ang mga panadero na ibaba na ang presyo ng kanilang harina dahil sa mababang presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.
Dahil dito, sinabi ni Dimagiba asahan nang magbababa na rin ng P0.50 hanggang P1 ang presyo ng regular o commercial tasty at pandesal bukod pa sa P1 bawas sa Pinoy tasty at P0.25 na bawas sa kada sampung piraso ng Pinoy pandesal sa susunod na linggo.
“Hindi naman po tayo naiinip kasi alam niyo po market process din po ang gusto namin, maganda din nga po yung nangyayari na iba-iba ang kanilang desisyon.” Pahayag ni Dimagiba.
Presyo ng iba pang pangunahing bilihin, bababa na rin
Kasunod ng pagbaba ng presyo ng harina, namumuro ring mag-rollback sa presyo ng ilang mga pangunahing bilihin.
Bunsod ito ng pagbaba rin ng presyo ng mga raw materials tulad ng thin plates at harina kaya’t dapat itong pakinabangan ng mga konsyumer.
Ayon kay DTI Undersecretary Vic Dimagiba, ilan sa mga ito ay ang noodles na ginagamitan ng harina gayundin ang ilang de lata tulad ng sardinas, meat loaf, beef loaf, corned beef at luncheon meat.
“Siguro po bigyan po kami ng mga 2 more weeks to release our findings, in fact nagpangunang meeting na kami at binigyan po namin sila ng mga dalawang linggo na mag-review ng presyo po nila.” Dagdag ni Dimagiba.
By Jaymark Dagala | Ratsada Balita