Dumami pa ang bilang ng mga pilipinong nasa Estados Unidos na nag-aapply ng dual citizenship.
Ayon kay Philippine Consul General to Washington Iric Arribas, maraming pinoy ang planong magretiro sa Pilipinas kung saan, ngayong September 2022, umakyat na sa 2,183 ang aplikasyon na kanilang natatanggap.
Mas mataas ito sa 1,536 na naitala noong 2019 mula sa dating 1,009 na nag-aplay ng dual citizenship noong 2016.
Nabatid na bumaba ito sa 653 sa kasagsagan ng covid-19 pandemic noong 2020 pero muling umakyat sa 2,653 ng 2021.
Sinabi ni Arribas na malaki ang naging epekto ng covid-19 pandemic sa pagtaas ng aplikasyon dahil narin sa pagiging requirement at pagpapatupad ng mahigpit na restriksiyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa Pilipinas kung saan, nag-aapply ang mga pinoy ng dual citizenship pagkatapos nilang mag apply ng US citizenship.
Dahil dito, nagpaalala ang opisyal sa mga pilipino na nasa Amerika na pag-isipan muna nang mabuti ang mga desisyon, bago kumuha ng dual citizenship.