Umakyat na sa 12 ang bilang ng mga nasawi dahil sa hagupit ng Bagyong Karding.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), walo pa lamang ang nabeberipika kabilang ang limang rescuers mula sa San Miguel Bulacan, isa sa Baliuag, Bulacan, isa sa Zambales at isa sa Burdeos, Quezon.
Habang hindi pa nakukumpirma ang dalawang nasawi sa Tanay Rizal, isa sa Antipolo, Rizal at isa sa Zambales.
Ayon pa sa NDRRMC, anim pa ang napaulat na nawawala sa Bicol at CALABARZON habang 52 naman ang naiulat na mga nasugatan sa Central Luzon at CALABARZON.
Nasa 911,404 na indibidwal o 245,063 na pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa 1,759 na barangays sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, at Cordillera.
Samantala, nasa mahigit tatlong bilyong piso na ang halaga ng pinsala ng Bagyong Karding sa sektor ng agrikultura sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Bicol at Cordillera.