Sampu (10) katao lang ang pinapayagan na makibahagi sa opisyal na pagdiriwang ng Independence Day sa buong bansa ayon sa Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, ito ay batay sa direktiba ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease sa pagsasagawa ng public gatherings dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sinabi ni Banac na kailangang sundin ang istriktong panuntunan ng general community quarantine (GCQ) kung saan hanggang 10 tao lamang ang maaaring makiisa sa aktibidad.
Karaniwang pinasisimulan ang paggunita sa Independence Day ng pagwagayway ng watawat kasabay ng pag-awit ng National Anthem.
Sabay-sabay itong gaganapin sa mga historical sites sa bansa kabilang ang Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite at Rizal Park sa Maynila.
Samantala, bagamat ipinagbabawal ang mass gatherings, nanindigan pa rin ang iba’t ibang grupo na kanilang itutuloy ang ikinakasang kilos protesta para tutulan ang anti-terrorism bill ng administrasyon.