Tatlong daang (300) porsyento na ang itinaas ng bilang ng Chinese nationals na iligal na nagtatrabaho sa bansa kumpara sa mga nagdaang taon.
Ayon kay Danah Sandoval, Spokesperson ng Bureau of Immigration (BI), halos anim na raang (600) Chinese nationals ang nahuli nila noong 2018 o tatlong daang (300) porsyentong mas mataas kumpara noong 2017.
Aminado si Sandoval na wala silang datos ng mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa bansa dahil karaniwan ay nagtatago agad ang mga ito at hindi na nagpaparehistro.
Sinabi ni Sandoval na umaasa lamang sila sa intelligence at mga anonymous information na karaniwan ay nagreresulta naman sa matagumpay na operasyon nila laban sa mga Chinese national na iligal na nagtatrabaho sa bansa.
Maliban sa online gaming, inamin ni Sandoval na napasok na rin ng Chinese nationals ang ibang trabaho tulad ng construction, pag-we-waiter sa restaurant at kahit pa pagiging hairdresser.
Tinukoy ni Sandoval ang tatlumpung (30) Chinese national na pinakahuling nahuli nila sa Parañaque City base sa anonymous tip.
—-