Inilabas na ng Philippine National Police o PNP ang bilang ng election hotspots para sa May 2019 elections.
Ito’y kasabay ng pagsisimula ng campaign period, kahapon.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, nasa pitong daan at isang (701) lugar ang itinuturing na election hotspot sa nalalapit na halalan.
Dalawang daan (200) aniya rito ang color coded bilang yellow, nasa orange naman ang tatlong daan at walumpu’t dalawa (382) o ang sinasabing mayroong immediate concern habang siyamnapu’t apat (94) naman ang red na may grave concern.
Paliwanag ni Albayalde, ang lugar na kabilang sa yellow category ay mayroon nang naitalang election related incidents, mainit na political rivalry at mga lugar na isinailalim sa Commission on Elections (Comelec).
Ang mga lugar naman aniya na nasa orange category ay may seryosong banta ng New People’s Army (NPA) , Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf Group (ASG) at iba pang mga rebeldeng grupo.
Samantalang ang nasa red category naman umano ay kumbinasyon ng yellow at orange criteria.
Kaugnay nito, pinag-aaralan na umano ng PNP ang pagbabago sa deployment ng mga pulis.
—-