Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdaragdag ng bilang ng on-site government workers sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 2, 3, at 4.
Kasunod ito ng mga ulat na kaunti lamang ang bilang ng on site workforce ng ilang government agencies kaya naaapektuhan ang pagbibigay ng serbisyo publiko.
Sa ipinalabas na Memorandum Circular No. 93, kailangang pumasok sa trabaho ang 40% ng mga empleyado sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 4; 60% ng mga kawani sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 3; at 80% ng mga empleyado sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 2.
Nakasaad rin sa memorandum na kailangang magkaroon ng balanse sa pagitan ng mga konsiderasyong pangkalusugan at tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyo publiko kahit ano pa man ang alert status sa isang lugar.
Maaari ring magpatupad ng increase on-site workforce ang lahat ng pinuno ng mga ahensya sa kanilang mga tanggapan kabilang ang mga Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC).