Umabot na sa 262 ang bilang ng naitalang fireworks-related injury sa bansa.
Ito’y matapos maiulat ng Department of Health ang karagdagang 51 na nasugatan dahil sa paputok.
Ayon sa kagawaran, naitala ang mga kaso mula December 21, 2022 hanggang January 2, 2023, kung saan mas mataas ito ng 42% kumpara sa 185 cases na naitala noong 2021.
Ang National Capital Region ang may pinakamaraming fireworks-related injuries na may 125 cases.
Sinundan ito ng Western Visayas na may 31; Ilocos region, 23; Central Luzon, 24; Calabarzon, 13 at Bicol region, 12.
Karamihan sa mga biktima ay mga lalaki edad isa hanggang 80 taong gulang na nagtamo ng sugat sa kamay, mata, binti, ulo at braso.
Wala namang naiulat ang DOH na kaso ng fireworks ingestion.
Samantala, sinabi ng kagawaran na nakatanggap ng impormasyon ang Philippine National Police ng isang kaso ng stray bullet.
Nabatid na isang 64-anyos na babae sa Maynila ang biktima ng gunshot wound incident na naganap noong Enero 1, kung saan ay agad itong isinugod sa Philippine General Hospital.