3,000 lamang mula sa 60,000 pirasong personal protective equipment (PPEs) na inorder ng Philippine Medical Association (PMA) ang makukuha nito para sa medical frontliners kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ipinabatid ito ni Dr. Benito Atienza, vice president ng PMA, kaya’t patuloy ang pag-aalala nila sa kakulangan ng medical supplies sa maraming ospital para tugunan ang COVID-19 patients.
Bukod pa ito aniya sa nababawasang bilang ng health practitioners dahil ilan sa mga ito kabilang siya ay sumasailalim sa quarantine matapos ma expose sa mga pasyente ng COVID-19.
Sinabi ni Atienza na ang kausap nilang supplier ng PPEs ay pina-prioritize ang ibang buyer at walang ibinigay na panahon kung kailan maide-deliver ang libu-libo pang PPEs.
Ang mga taga-Mindanao aniya ay naghihintay na rin ng PPE’s bagamat hindi pa ganuon kataas ang COVID-19 cases maging sa Visayas region, subalit inaasahan nilang tataas ito dahil sa pagdating ng maraming testing kits.
Kasabay nito, inihayag ni Atienza na pinag aaralan nila ang pagkakaruon ng triage at telekonsulta para bumaba ang mga nagtutungo ng ospital lalo pa’t maraming health practitioners na ang naka self-quarantine.