Bumaba ng 57.69% ang bilang ng mga mabibigat na krimen o major crimes sa Metro Manila kabilang ang murder at rape sa unang tatlumpu’t limang (35) buwan ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar, direktor ng National Capital Region Police Pffice (NCRPO), ito’y dahil sa tiwala at kumpiyansa ng publiko sa pulisya.
Maliban sa murder at rape, ang mga tinatawag na major o focus crimes ay kinabibilangan din ng homicide, physical injuries, robbery, theft at carjacking.
Sinabi ni Eleazar na bago umupo sa puwesto ang Pangulong Duterte noong July 2016, umabot sa 21,782 ang crime volume sa kalakhang Maynila.
Mas sumadsad naman ang mga krimen mula Enero hanggang Mayo ng taong kasalukuyan dahil umabot na lamang ito sa higit 5,000.
Dagdag pa ni Eleazar, nasakote na rin at nakulong ang mga drug addict na siyang nasa likod ng mga nagaganap na krimen sa Metro Manila.