Bumaba ang bilang ng mahirap na pamilyang Pilipino sa unang bahagi ng 2018.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, labing anim (160 na porsyento ng pamilyang Pilipino ang maituturing na mahirap sa unang bahagi ng 2018, mas mababa sa mahigit dalawampu’t dalawang (22) porsyento noong 2015.
Ayon kay PSA Assistant Secretary Josie Perez, ibig sabihin, mayroong labing anim (16) mula sa isandaang (100) pamilyang Pilipino na may limang miyembro ang kumikita ng mas mababa kumpara sa kinakailangang halaga para makabili ng pagkain at iba pang pangangailangan.
Sinabi ni Perez na batay sa kanyang pag-aaral, noong unang bahagi ng 2018, ang isang pamilya na mayroong limang miyembro ay nangangailangan ng P10,481 kada buwan para sa pagkain at iba pang pangangailangan kasama na ang upa sa bahay, bayad sa kuryente, tubig at iba pa.
Tinatayang aabot sa apat na milyon ang bilang ng pamilyang Pilipino na maituturing na mahirap noong unang bahagi ng 2018 samantalang nasa limang milyon naman sa pareho ring panahon noong 2015.
Samantala sa bilang naman ng indibiduwal na Pilipino, sinabi ni Perez na mayroong dalawampu’t isa (21) mula sa isandaang (100) indibiduwal ang maituturing na mahirap at walang kakayang makabili ng sapat na pagkain at iba pang pangangailangan.
—-