Nadagdagan pa ng 2 ang bilang ng mga nasawi dulot ng pananalasa ng bagyong Dante sa bansa ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC .
Isang 49 anyos na lalaki ang tinangay ng baha habang nasa sasakyan sa Hinoba-an, Negros Occidental at isang 51 anyos na lalaki rin ang nasawi habang inililigtas ang alagang kalabaw sa Dumajug, Cebu.
Nananatili naman sa 2 ang bilang ng nasugatan habang bumaba sa 3 ang mga nawawala mula sa 7 kahapon matapos matagpuan na ang 4 na mangingisdang pumalaot sa Pilar, Capiz sa kasagsagan ng bagyo.
Ayon sa NDRRMC, nagpapatuloy pa rin ang ginagawang Search, Rescue and Retrival Operations sa iba pang mga nawawala dahil sa Bagyong Dante.
Samantala, umakyat na sa 12,260 pamilya o katumbas ng 55,226 na indibiduwal ang labis na naapektuhan ng bagyo sa mga rehiyon ng MIMAROPA, Eastern at Western Visayas, Davao Region, SOCCSKSARGEN at CARAGA.