Papalo na sa mahigit 348,000 indibiduwal o 90,000 pamilya ang apektado ng nagpapatuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Batay ito sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaninang 6:00 ng umaga.
Mula sa nasabing bilang, nasa halos 138,000 indibiduwal o mahigit 37,000 pamilya ang nanunuluyan ngayon sa may 488 evacuation centers sa Batangas, Cavite, Laguna at Quezon.
Mula naman sa walong isinarang kalsada para bigyang daan ang clearing operations, apat dito ang kasalukuyan nang nadaraanan habang ang iba naman ay nananatiling sarado dahil nakapaloob ito sa lockdown areas.