Umakyat na sa 35,000 ang apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Bulusan.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, may mga naitala ring ash fall sa mga barangay Bacolod, Buraburan, Mapili at Puting Sapa sa bayan ng Huban mula sa bulkan.
Sa panig naman ng Department of Education o DepEd, nagsagawa na sila ng on-site monitoring sa mga pre-identified hazard areas kabilang na sa mga lugar ng Inalagadian, Casiguran at Huban.
Kasabay nito, tiniyak ng DepEd na makuha ang mga vital records at learning materials sa mga eskuwelahan na malapit sa bulkan.
Ash fall
Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang pagbuga ng abo ng bulkang Bulusan kahapon.
Ayon sa PHIVOLCS, apektado ng ash fall ang mga barangay San Jose, San Francisco, Bulusan proper, Sapngan, San Rafael at Dapdap sa nasabing bayan.
Batay sa seismic records tumagal ang ash explosion ng bulkan ng 111 segundo o mahigit isa’t kalahating minuto at may taas itong 150 metro.
Dagdag pa ng PHIVOLCS, may narinig ding pagdagundong ng mga bato sa barangay Cogon sa bayan ng Irosin kasabay ng tatlong pagyanig na naitala sa lugar.
Gayunman, nananatili pa ring nasa level 1 ang alerto sa paligid ng bulkan kaya’t mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa apat na kilometrong permanent danger zone.
By Jaymark Dagala