Umakyat na sa mahigit 158,000 pamilya o katumbas sa 728,000 indibiduwal ang apektado ng mga pagbaha.
Ito’y dulot ng hanging habagat na pinaigting pa ng mga Bagyong Henry, Inday at ngayon ng Bagyong Josie na napanatili ang lakas at ngayon ay bumabagtas patungo sa Luzon Straight.
Batay sa datos mula sa NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council, nagmula ang mga apektadong pamilya sa 585 barangay sa mga rehiyon ng Ilocos, Gitnang Luzon, Katimugang Luzon, Mimaropa, Negros Occidental at CAR o Cordillera Administrative Region.
Sa kasalukuyan, aabot sa mahigit 2,700 pamilya o katumbas ng mahigit 12,000 indibiduwal ang nananatili sa 99 na natukoy na evacuation centers.
Pero bumaba naman ang bilang ng mga nagsilikas partikular na sa Region 4-B o Mimaropa na nasa mahigit 30 pamilya o katumbas ng 119 na indibiduwal dahil sa mga pagbaha.
Gayunman, ayon sa NDRRMC, nananatili pa rin sa dalawa ang bilang ng nasawi, isa ang sugatan habang isa ang kumpirmadong nawawala.