Ipinagmalaki ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na protektado na sila mula sa pinakamalalang epekto ng COVID-19 matapos mabakunahan ang halos 100% ng kanilang hanay.
Ayon kay Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) at Deputy Chief PNP for Administration P/LtG. Joselito Vera Cruz, mula sa kabuuang 224,021 puwersa ng PNP ay nasa 200,812 rito ang fully vaccinated na.
Habang nasa 20,325 naman ang mga naturukan na ng unang dose at naghihintay na lamang ng tamang oras para matanggap ang ikalawang dose ng bakuna kontra sa virus.
Subalit may nananatili pa aniyang 2,884 na mga pulis ang hindi pa nababakunahan kontra COVID-19 kung saan ay nasa 895 dito ang may valid reason dulot ng kanilang kundisyong medikal habang ang nalalabi o nasa 2,025 rito ang pumirma ng waiver dahil ayaw talagang magpabakuna.
Batay sa pinakahuling COVID-19 tally ng PNP, aabot na lamang sa 420 ang aktibong kaso ng COVID-19 matapos madagdagan ng 29 bagong kaso kaya’t nakapagtala ito ng 41,894 na total cases.
Gayunman, nakapagtala ang PNP ng 80 bagong gumaling sa sakit kaya’t umakyat na sa 41,351 ang kanilang total recoveries habang nakapako naman sa 123 ang death toll sa hanay ng Pulisya. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)