Patuloy na hinihikayat ng pamunuan ng Philippine National Police o PNP ang kanilang mga tauhan na magpabakuna na kontra COVID-19.
Ito’y makaraang i-ulat ng Administrative Support to COVID 19 Operations Task Force o ASCOTF na aabot sa 112,829 o kalahati ng mahigit 220,000 puwersa ng PNP ang bakunado na kontra sa virus.
Sinabi ni ASCOTF Commander at Deputy Chief PNP for Administration, P/LtG. Joselito Vera Cruz na nasa 95, 675 o 42.96 percent ang nabakunahan na ng first dose habang nasa 14,197 o 6.37 percent pa ng kanilang hanay ang hindi pa nababakunahan.
Batay sa pinakahuling COVID-19 update sa PNP, bumaba sa 168 ang naitalang bagong kaso ng virus kaya’t sumampa na ang kabuuan nito sa 36,715 kung saan ay 2,592 rito ang aktibong kaso.
Nakapagtala naman ang PNP ng 155 na bagong gumaling sa sakit kaya’t sumampa na sa 34, 015 ang total recoveries habang nananatili naman sa 108 ang bilang ng mga nasawi.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)