Nadagdagan pa ang mga bansa na napabilang sa red list sa harap ng banta ng COVID-19 Omicron variant.
Ayon sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease, kasama sa travel red list ang Austria, Czech Republic, Hungary, the Netherlands, Switzerland, Belgium at Italy kung saan epektibo na simula kahapon ang travel ban na tatagal hanggang December 15, 2021.
Nauna nang nailagay sa red list category ang South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, at Mozambique.
Ayon kay Cabinet Secretary at Acting Palace Spokesperson Karlo Nograles hindi papayagan ang lahat ng mga inbound international travel, na galing sa red list countries sa nakalipas na 14 araw.
Tanging ang mga Pilipinong pabalik sa bansa sa pamamagitan ng government-initiated o non-government-initiated repatriation at bayanihan flights ang papayagang makapasok sa bansa ngunit kinakailangan pa ring sundin ang protocols sa mga red list countries.
Samantala, ang mga pasahero namang papunta na sa Pilipinas na nanggaling sa red list countries sa nakalipas na 14 na araw, ay papayagan pa rin namang makapasok ngunit kailangan ng mga ito na sumailalim sa facility-based quarantine sa loob ng 14 araw, at sumailalim sa testing sa ika-pitong araw. —sa panulat ni Hya Ludivico