Halos limang milyong mga bata ang napilitang lumikas sa kani-kanilang mga tahanan bunsod ng nagpapatuloy na kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon sa United Nation Childrens’ Fund (UNICEF), nasa 2.8M mga bata sa Ukraine ang itinuturing na internally displaced, habang 2M naman ang umalis sa nasabing bansa.
Sinabi pa ni UNICEF Emergency Programs Director Manuel Fontaine na kalahati ng tinatayang 3.2M mga bata na nananatili sa Ukraine ay apektado ng kakulangan sa pagkain.
Kabilang aniya sa mga lugar na lubhang apektado ay ang siyudad ng Mariupol at Kherson kung saan walang sapat na suplay ng tubig at sanitation services matapos maantala ang pagpasok ng mga gamot at pagkain.