Umakyat na sa pitongpo’t dalawa (72) ang bilang ng mga nabibiktima ng paputok, dalawang (2) araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Batay sa talaan ng Department of Health o DOH, nasa 69 mula sa naturang bilang ay mga lalaki na may edad labing isang (11) buwang gulang hanggang animnapo’t dalawang (62) taon.
Pitongpo’t dalawang porsyento (72%) o limangpo’t dalawa (52) na mga kaso ay sanhi ng piccolo, kung saan ang National Capital Region o NCR ang nakapagtala ng mas mataas na kaso.
Gayunman, ayon sa DOH, hindi hamak na mas mababa ang kasalukuyang bilang kumpara sa limangpo’t siyam na porsyento (59%) ng mga biktima ng paputok mula 2012 hanggang 2016.
Magugunitang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na malinaw naman ang isinasaad ng EO No. 28 ng Pangulong Rodrigo Duterte na bagama’t hindi total ban ay nililimitahan naman nito ang paggamit sa mga paputok.
Paalala pa ni Roque, hindi lamang ang pulisya ang naatasang tumutok sa pagbabantay sa mga taong gumagamit ng paputok kundi pananagutan din ang lokal na pamahalaan.