Pinadadagdagan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga bus sa EDSA carousel para masolusyunan ang problema ng mga komyuter tuwing rush hour.
Ayon kay DOTr Undersecretary Timothy John Batan, target ng kagawaran na gawing 650 ang bilang ng mga bus mula sa 550.
Aniya, nakikipag-ugnayan na rin siya sa mga operator ng Public Utility Buses (PUBs) para resolbahin ang tumataas na bilang ng mga pasahero sa EDSA carousel.
Dagdag pa ni Batan na maglalagay ng dalawang EDSA carousel stations sa Tramo at Ayala Avenue ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para mapabuti pa ang mga mananakay.
Mababatid na malaki ang maitutulong ng naturang hakbang sa inaasahang pagtaas ng bilang ng mga mananakay sa pagsisimula ng pasukan sa Lunes.