Patuloy na umaakyat ang bilang ng mga mag-aaral sa bansa na nagpaparehistro para sa school year 2020 – 2021 sa kabila ng banta ng COVID-19.
Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), nasa mahigit 24 milyong mag-aaral ang nagpa-enroll sa mga pampubliko at pribadong paaralan kabilang na rito ang mga state colleges and universities (SUC’s).
Ayon sa DepEd, katumbas ang kabuuang enrollees ngayong taon ng 87% kumpara sa 27 milyong enrollees na naitala noong isang taon.
Mahigit 22 milyong mag-aaral mula sa nasabing bilang ay nagpa-enroll sa pampublikong paaralan habang halos 2 milyong mag-aaral naman ang nag-enroll sa pribadong paaralan at mga SUC’s.
Kasunod nito, nanawagan ang DepEd sa mga magulang at guardian ng mga estudyante na ipa-enroll ang kanilang mga anak hangga’t hindi pa nagsisimula ang klase para sa susunod na pasukan kung saan, ipatutupad ang distance learning bilang paraan ng pagtuturo sa lahat ng paaralan sa bansa.