Ikinalungkot ng Department of Education ang pagbaba ng bilang ng mga enrollees sa Marawi City bunsod ng nagpapatuloy na bakbakan ngayon sa pagitan ng militar at ng Maute Terror Group.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, nasa 1,300 lamang ang nagpatala batay sa kanilang record mula sa inaasahan nilang 20,000 enrollees.
Dahil dito, umapela ang kalihim sa mga magulang na dalhin sa pinakamalapit na paaralan ang kanilang mga anak kung saang evacuation center man sila ngayon nanunuluyan upang maipagpatuloy ng mga ito ang kanilang pag-aaral.
Kasabay nito, nagpalabas ang DEPED ng memorandum order number 98 na nag-aatas sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa na tanggapin ang mga estudyanteng bakwit mula sa Marawi City at huwag nang hingan ang mga ito ng documentary requirements.
Nakasaad din sa memorandum na dapat isama sa regular na klase ang mga bakwit upang hindi sila makaramdam ng diskriminasyon at para matulungan sila na mabalik sa normal ang kanilang buhay.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping