Tiwala si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andy Bautista na hindi magkukulang ang mga guro na magsisilbing board of election inspectors, sakaling maaprubahan ang panukalang gawin na lang na boluntaryo ang kanilang election duties.
Sinabi ni Bautista na maliban sa halos 300,000 lang ang kanilang kailangan para sa automated elections, mayroon pang ibang maaring pagkunan ng mga volunteer.
Naniniwala din si Bautista na bagamat mayroong mga ayaw nang maging BEI, marami pa din ang pursigidong magbigay ng serbisyo dahil pinahahahalagahan ng mga ito ang halalan.
“Ang dami ng teacher 630,000 and alam ko magha-hire pa sila ng additional na 100,000, sa ating automated elections we only need about 300,000 provided that 1 out of 2 will volunteer, meron namang sapat na bilang ng mga teacher.” Ani Bautista.
Botohan sa malls
Mahaba pa ang tatahakin ng panukalang ilipat sa mga mall, ang ilang presinto para sa 2016 elections.
Ayon kay COMELEC Chairman Andy Bautista, ito ay dahil maliban sa kailangan pa itong isalang sa mga pagdinig, hindi pa din natutukoy ng COMELEC kung anong mga presinto ang mga maaring ilipat.
Samantala, muli din pinaalalahanan ni bautista ang mga botante na hindi pa nakakapag parehistro o kaya ay wala pang biometrics na muling bubuksan ang voter registration sa sabado.
“Deadline kasi po ay December 15, yung aming tinatawag na project of precint, kailangan na po naming idetermina kung aling mga presinto ang dapat ilipat sa mga mall, naka-hearing pa po ‘yan.” Pahayag ni Bautista.
Nuisance candidates
Tiniyak ni COMELEC Chairman Andy Bautista na kanilang susuriing maigi ang mga inihaing certificate of candidacy.
Ito ay kasunod ng paglobo ng bilang ng mga taong nais kumandidato sa pagka-presidente at bise presidente ng bansa.
Ipinaliwanag ni Bautista na hindi maaring pigilin ang mga nais maghain ng COC, dahil karapatan ito ng publiko at mayroon namang proseso na dapat sundin upang hindi din mabalahura ang eleksyon.
Kabilang aniya sa ikinukunsidera ng COMELEC ay ang pagpapataw ng mga multa sa mga tinaguriang beteranong nuisance candidate.
“Ewan ko nga kung puwedeng lagyan kumbaga, hindi na doon sa pagtakbo, pero kunwaring hayaang tumakbo at hindi ka nakakuha ng certain number of votes, ano nga kung lagyan natin ng penalty, ang mga magiging problema namin nakikita ko ay yung mga tinatawag na veteran nuisance candidate.” Dagdag ni Bautista.
Debate
Kasado na ang gagawing presidential at vice presidential debate ng COMELEC, para sa susunod na eleksyon.
Sinabi ni COMELEC Chairman Andy Bautista, ang tatlong debate para sa presidential candidates ay gagawin sa Pebrero 21 sa Mindanao, March 20 sa Visayas at April 24 sa southern o central Luzon; habang ang sa mga nais mag bise presidente ay gagawin sa Abril 10 dito sa Metro Manila.
Iginiit din ni Bautista bukod sa mga botante, ang higit na makikinabang sa mga debate ay ang mga mismong kandidato.
By Katrina Valle | Karambola