Lumobo pa ang bilang ng mga residente inilikas sa ilang bayan sa albay dahil sa lava fountain at magdamag na pagdaloy ng lava mula sa bunganga ng bulkang Mayon.
Ayon sa Office of Civil Defense-Region 5, pumapalo na sa halos 22,000 indibidwal o mahigit 6,000 pamilya ang mga evacuees.
Umabot sa 7-kilometer extended danger zone ang pinalikas dahil sa banta ng rockfall, landslide, pagguho ng lava dome at biglaang pagputok ng bulkan.
Sa ngayon ay umaabot na sa mahigit 4,000 indibidwal mula sa anim na barangay sa bayan ng Camalig ang nasa evacuation centers, halos 9,000 katao naman mula sa mga barangay ng Budiao, Baniadero, Matnog, Mi-Si at Salvacion sa bayan ng Daraga.
Nakapagtala rin ng halos 4,000 evacuees sa bayan ng Guinobatan, halos 2,000 mula sa lungsod ng Ligao, 2,500 katao sa bayan ng Malilipot at halos 300 pamilya o mahigit 1,000 katao mula sa Tabaco City.
Nabatid na dalawang channel na ang dinadaluyan ng lava sa kasalukuyan kung saan nahati na ito sa Mi-Si channel at Bonga Gullies kayat nagpapatuloy ang close monitoring ng PHIVOLCS sa aktibidad ng bulkang Mayon.