Pumalo na sa 1, 636 ang bilang ng mga lumabag sa gitna ng umiiral na COMELEC gun ban.
Kabilang sa mga nadakip dahil sa paglabag ay ang 15 kasapi ng Philippine National Police (PNP) at 9 na tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa datos ng PNP Command Center, kabilang sa mga nadakip ang 1,589 mga sibilyan, 23 naman ang security personnel, 15 police officers at 9 na military personnel.
Sa 1,516 police operation na isinagawa ng PNP, pinakamaraming bilang ng mga naaresto ang National Capital Region (NCR) na may 536; central Visayas na may 171; central Luzon na may 116; CALABARZON na may 173; at western Visayas na may 93.
Ayon sa PNP, nasamsam sa operasyon ang nasa 1,268 firearms, 586 deadly weapons at mahigit 7,106 bala.
Base sa COMELEC Resolution No. 10728, ipinagbabawal ang pagdadala o pagbitbit ng mga baril o nakamamatay na armas sa lahat ng pampublikong lugar mula Enero a-9 hanggang Hunyo a-8.
Exempted sa naturang batas ang mga alagad ng batas na mayroong authority mula sa COMELEC.
Ang sino naming lalabag sa naturang batas ay mahaharap sa pagkakulong ng hindi bababa sa isang taon at hindi hihigit sa anim na taon at hindi dapat sumailalim sa probation.
Posible din silang maharap sa diskwalipikasyon, pag-alis ng karapatan sa pagboto, at pagkansela o permanenteng diskwalipikasyon na makakuha ng lisensyadong baril. —sa panulat ni Angelica Doctolero