Bumaba ang bilang ng mga lumabag sa “No vaccination, no ride” policy na ipinatupad ng gobyerno sa ilalim ng mas pinaigting na Alert level 3.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), nito lamang Biyernes, January 21, umabot nalang sa walo mula sa 160 bilang ng mga nahuling lumabag noong January 17.
Sa pahayag ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, nagpapakita lamang ito ng magandang senyales na ang publiko ay dahan-dahang sumusunod sa ipinatutupad na batas sa bansa.
Sinabi ni Carlos na naging maganda ang lebel ng kooperasyon mula sa mga unvaccinated individuals kung saan, patuloy na tumataas ang bilang ng mga nababakunahan.
Sa kabila nito, nanatili ang PNP sa pagtalima na hindi aarestuhin ang mga lalabag at sa halip ay babalaan at tuturuan lamang ang mga indibidwal sa pagsunod sa mga patakaran.
Samantala, pinuri naman ni Carlos ang mga pulis na nagsasagawa ng maximum tolerance sa pagpapatupad ng mga polisiya sa bansa. —sa panulat ni Angelica Doctolero