Pumalo sa 158 ang kabuuang bilang ng mga naarestong illegal aliens sa bansa sa taong 2021.
Sa pahayag ng Bureau of Immigration (BI) intelligence agents, bukod sa mga illegal aliens, nahuli naman ang 83 foreign fugitives na nagtatago sa batas sa loob ng bansa.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, naging matagumpay ang kanilang ikinasang operasyon sa ibat-ibang lugar sa bansa.
Nangunguna sa mga inaresto ang 86 na mga Chinese national; sumunod ang 37 Korean nationals; 10 Nigerians; anim na Indians; apat na Amerikano; apat na Briton; tatlong Hapones; dalawang Indonesians; at tig-iisang Dutch, German, Tunisian, Cambodian, Lebanese at Singaporean.
Sinabi pa ni Morente na bumaba ang naging accomplishment noong 2021 dahil sa travel restrictions na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung saan, limitado lamang ang pinapayagang makapasok sa Pilipinas dahilan para bumaba din ang incoming foreign nationals bunsod ng COVID-19 pandemic. —sa panulat ni Angelica Doctolero