Ibinida ng Joint Task Force Covid Shield na malaki ang ibinaba sa bilang ng mga naaarestong pasaway na lumalabag sa enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Ito’y matapos na ipakalat na ng pamahalaan ang tropa ng militar mula sa Army, Navy at Marines gayundin ang elite force ng pulisya na Special Action Force (SAF)
Ayon kay Joint Task Force Covid Shield Commander P/Lt. G. Guillermo eleazar, mula Abril 23 hanggang 25, hindi na lumalagpas 2,000 ang mga nahuhuli nilang lumalabag sa ECQ.
Binigyang diin ni Eleazar na natakot na ang mga pasaway dahil sa wala nang paki-usapan pa ang mga awtoridad at sa halip ay diretso aresto na ang ginagawa ngayong lalo pang hinigpitan ang pagpapatupad ng seguridad.
Gayunman, patuloy pa ring binabantayan ng mga awtoridad ang pang araw-araw na sitwasyon upang mailatag ang mga kinakailangang pagsasaayos sa mga lugar na may mataas pa ring bilang ng paglabag.