Muling tiniyak ng Department of Health o DOH na kanilang babalikatin ang lahat ng gastusin para sa mga nabiktima ng paputok nitong nakalipas na pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, wala nang babayaran ang mga nabiktima ng paputok kung miyembro sila ng Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth.
Gayunman, sinabi ni Duque na ang DOH na mismo ang siyang sasagot sa gastusin kung hindi naman miyembro ng PhilHealth ang nabiktima ng paputok.
Batay sa pinakahuling tala ng DOH, umakyat na ang bilang ng mga nabibiktima ng paputok sa apatnaraan at pitongpo’t tatlong (473) kaso mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21 noong isang taon hanggang 6:00 ng umaga ng Enero 2.
Subalit ipinagmalaki pa rin ni Duque na lubha itong mas mababa ng limangpo’t pitong porsyento (57%) mula sa mga taong 2012 hanggang 2016 o nasa apatnapung porsyentong (40%) mas mababa sa parehong panahon noong 2016 na nasa animnaraan at labing anim (616) na kaso.