Nadagdagan pa ang bilang ng mga nabiktima ng red tide sa Milagros, Masbate matapos kumain ng capiz shell na mas kilala bilang katipay o windowpane oyster.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR-Bicol), pumalo na sa dalawamput isang indibidwal ang na-food poison dahil sa pagkain ng tipay shell.
Sa pahayag ni Chief Nonie Enolva ng Marine Fisheries Resource Management Section ng BFAR-Bicol, nananatili parin sa ospital ang mga biktima na karamiha’y mga bata na pawang mga residente ng brgy. Bangad, Milagros.
Sa ngayon, kumukuha na ng sample sa mga left-over food ng mga biktima ang Masbate BFAR Provincial Field Office para maisailalim sa laboratory examination ang nabanggit na shell.
Samantala, muli namang nagbabala sa publiko ang pamunuan ng BFAR na huwag munang kakain ng mga shellfish partikular na sa mga lugar sa Visayas at Mindanao na nagpositibo sa red tide kabilang na ang Roxas City; Sapian Bay; Panay; President Roxas; at Pilar sa Capiz.
Maging ang Dumanquillas Bay sa Zamboanga Del Sur; matarinao sa Eastern Samar; Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; at ang Lianga Bay sa Surigao Del Sur.