Tuloy ang pagbulusok ng fertility rate o bilang ng mga nagkakaroon ng anak sa bansa sa nakalipas na mga taon, sa kabila ng inaasahang pagtungtong sa 8-B ng populasyon sa mundo ngayong araw.
Batay ito sa datos na nakalap ng Commission on Population and Development (POPCOM) mula sa Philippine Statistics Authority – National Health Demographic Survey (NHDS) ngayong taon.
Nakasaad dito na ang Total Fertility Rate (TFR) ngayon ng mga Filipinang edad 15 hanggang 49 ay 1.9 children kumpara sa 2.7 children noong 2017.
Nangangahulugan ito na hindi na aabot sa dalawa ang anak ng bawat babae kumpara sa anim noong dekada sitenta.
Lumabas din sa NHDS data na karamihan ng mga Pinay ay ayaw nang magkaroon ng anak, kung saan 17% ang nagsabing nais nilang ipagpaliban ang pagkakaroon ng ikalawang anak.
Ayon kay POPCOM Officer-In-Charge at Executive Director Lolito Tacardon, ang pagbulusok ng fertility rate ay oportunidad upang i-maximize ang pagkakataon na pabagalin ang birth rate, kasabay ng mga hamon upang panatilihin ang developments.
Maikukumpara na rin anya ang TFR ng Pilipinas sa mga upper middle-income countries na 1.8 hanggang 1.5 children gaya ng Thailand.