Patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga nagpapakasal batay sa pinakabagong datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa loob ng sampung (10) taon o simula 2005 hanggang 2015 ay bumulusok sa 414,000 ang bilang ng mga nagpapakasal o 20.1 percent mula sa 518,000 batay sa mga nakalap na datos na karamiha’y nagmula sa certificates of marriage ng civil registrars sa buong bansa.
Ito, ayon kay University of the Philippines-Population Institute Professor Nimfa Ogena, ay indikasyon na nagbabago na ang pananaw sa kasal ng mga Pinoy lalo ng mga nakababatang mag-partner na sa halip magpakasal ay mas pinipiling mag-live-in.
Kabilang sa mga itinuturong dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga nagpapakasal ay ang gastos sa naturang seremonya lalo kung sa simbahan.
Simula noong 2015, nasa 1,100 magkasintahan na lamang ang nagpapakasal kada araw kung saan 42 percent ang nag-isang dibdib sa pamamagitan ng civil wedding habang 36 percent ang humarap sa altar o sa simbahan.
Lumabas din sa pag-aaral ng PSA na sa kabila ng pagbulusok ng bilang ng mga nagpapakasal, patuloy ang paglobo ng populasyon na inaasahang papalo na sa 105.7 million sa pagtatapos ng taong 2017.
By Drew Nacino