Tumaas ang bilang ng mga nais magpabakuna sa Metro Manila sa gitna ng pag-akyat ng aktibong kaso ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Kaiser Aneron, COVID-19 vaccination team leader ng Mandaluyong City, mula 400 hanggang 500, sumirit sa 700 hanggang 800 ang mga nagpapabakuna sa lungsod bawat araw.
Ilan pa sa nakikitang dahilan ng pagdami ng nagpapaturok ng COVID-19 vaccine ay dahil sa kailangan ito sa trabaho at requirement din sa face-to-face classes at pagdaraos ng graduation.
Samantala sa Makati City, balak ng lungsod na maglaan pa ng dalawang vaccination sites, makaraang umakyat sa 700 hanggang 1,500 ang kanilang nababakunahan kada araw.
Sumirit din ang bilang ng mga nababakunahan sa Marikina City na umaabot sa mahigit 1,300.
Batay sa datos mula sa National COVID-19 Vaccination Dashboard hanggang nitong Hunyo 4, aabot na sa 150,902,492 COVID-19 vaccines ang na-administer sa buong bansa.