Nakapagtala na ng 2,700 dayuhan ang Bureau of Immigration (BI) na hindi makapasok sa Pilipinas sa hinalang ilan sa mga ito ay may banta sa seguridad ng bansa.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang nasabing mga dayuhan ay pinabalik sa kanilang mga bansa mula Enero hanggang buwan ng Hunyo dahil sa kuwestiyunableng papeles ng mga ito at pagiging undesirable aliens.
Sa 2,700 dayuhan, 2,421 sa mga ito ay naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang ang 296 iba pa ay mula sa mga paliparan ng Cebu, Davao, Clark, Iloilo, Kalibo, Laoag, Puerto Princesa, at sa pantalan sa Zamboanga Seaport sa Zamboanga City.
Base sa tala ng NAIA-BI, pinakamalaking bilang na dayuhan na napigilan ay Chinese nationals na nasa 1,594, na sinundan ng 127 Indians, 117 Koreans, 106 Americans, 101 Vietnamese, at 43 Indonesians.
Tiniyak ni Morente na patuloy nilang paiigtingin ang pagbabantay sa mga papasok na dayuhan sa bansa dahil ito aniya ang kanilang mandato.
- Meann Tanbio