Nadagdagan ang bilang ng mga naitalang volcanic earthquakes sa bulkang Taal sa nakalipas na mahigit 12 oras.
Batay sa ipinalabas na bulletin ng Phivolcs, nakapagtala ng 787 volcanic earthquakes ang Taal volcano network mula 5:00 ng umaga kahapon Enero 18 hanggang 5:00 kaninang umaga.
Mas marami ito kumpara sa naitalang 366 na volcanic earthquake mula 5:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon kahapon.
Ayon sa Phivolcs, kabilang sa mga nabanggit na lindol ang maliliit o mahihinang pagyanig na mas malapit sa bulkang Taal at hindi na nadi-detect pa ng Philippine Seismic Network.
Samantala, sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala naman ang Philippine Seismic Network ng 25 mga volcanic earthquakes na may lakas 1.3 hanggang 2.7 magnitude kung saan isa ang naramdaman sa intensity 1.
Sinabi ng Phivolcs, nangangahulugan ang mga nabanggit na aktibidad na patuloy pa rin ang pag-angat ng magma sa ilalim ng bulkang Taal at maaaring magresulta ng mas malakas na pagsabog.
Kaugnay nito, nananatiling nakataas ang alert level 4 sa bulkang Taal at hindi pa rin inaalis ang posibilidad ng mapanganib na pagsabog.