Nadagdagan pa ng dalawa ang bilang ng mga napaulat na nasawi sa pananalasa ng bagyong Maring na mula sa dating 11 ay umakyat na ito sa 13.
Ito ang nakasaad sa pinakahuling situationer report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaninang umaga.
Batay sa impormasyong natanggap ng NDRRMC, isa sa mga nasawi ay isang 35 anyos na babae na natabunan ng gumuhong lupa sa Brgy. Tiangan, San Emilio sa Ilocos Sur.
Habang isang 52 anyos na lalaki naman ang nalunod matapos tangayun ng rumaragasang flashflood sa Brgy. Candilacan, bayan ng Sta. Cruz sa Ilocos Sur.
Gayunman, paglilinaw ng NDRRMC na under validation pa ang lahat ng mga datos na nakararating sa kanila mula sa mga rehiyong apektado ng kalamidad. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)