Umaabot na sa 30 ang bilang ng EJK o Extra-Judicial killings na nakabinbin sa mga hukuman.
Ito ang nakasaad sa ulat ni DOJ Usec. Reynante Orceo sa United Nations Human Rights Council na nagsasagawa ng pag-aaral tungkol sa sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa.
Ayon kay Orceo, sakop nito ang kabuuang 1,089 na mga insidente na dumaan sa validation ng binuong inter-agency committee nuong 2012 na tumututok sa mga kaso ng EJK.
Paliwanag ni Orceo, ang gobyerno sa ilalim ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay bumuo ng inter-agency committee sa ilalim ng administrative order number 35 na tututok sa mga kaso ng EJK na tumutukoy sa mga pagpatay sa mga miyembro ng Cause Oriented Group o di kaya’y myembro ng media, labor group at environmental advocate.
Samantala, ang mga pagpatay naman sa ilalim ng war against drugs ng administrasyong Duterte ay kasalukuyang iniimbestigahan ng DOJ at NBI, sa bisa ng Department Order no. 120 na inilabas ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
By: Meann Tanbio / Bert Mozo