Sumampa na sa apatnapu’t walo (48) ang bilang ng kumpirmadong nasawi sa nangyaring landslide sa Naga City sa Cebu noong Setyembre 20.
Habang mahigit apatnapu (40) pa ang patuloy na pinaghahanap.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Head Baltazar Tribunalo, minamadali na ng mga rescuers ang paghahanap sa mga nawawala.
Pinalawig na rin aniya ang search and rescue operations hanggang Sitio Upper Tagaytay sa barangay Tinaan kasunod ng ulat na ilang residente doon ang naapektuhan din ng landslide.
Samantala, sinabi ni Naga City Cebu Mayor Kristine Vanessa Chiong na lumiliit na ang tiyansang may makuha pang buhay mula sa mahigit 40 nananatiling nawawala sa nangyaring landslide sa lungsod.
Batay aniya ito sa ibinigay na assessment sa kanya ni Tribunalo sa ika-apat na araw ng search and rescue operations.
Gayunman tiniyak pa rin ni Chiong na magpapatuloy ang search operations hanggang sa matagpuan na ang lahat ng napaulat na nawawala sa nasabing landslide.
Pahirapan pa rin ang paghahanap ng mga rescuers sa mga residenteng natabunan ng landslide sa Naga City Cebu.
Ito ay bunsod ng malalaking bato na tumabon sa mga bahay sa lugar ng insidente.
Dahan-dahan na kinukuha ng mga rescuers ang mga malalaking bato gamit ang backhoe para maiwasang magkaroon muli ng pagguho ng lupa sa lugar.
Bukod naman sa backhoe, gumagamit na rin ang mga rescuers ng mga K-9 dogs mula sa Philippine Coast Guard sa paghahanap ng mga nawawala pa ring residente.
Samantala, napag-alamang kabilang sa mga casualty ang dalawang contractor ng Apo Land and Quarry Operations na nasa quarry site nang mangyari ang pagguho ng lupa.
Habang apat na iba pang mga contractor ng nabanggit na quarry company ang patuloy na pa ring pinaghahanap.
—-