Ibinabala ni Philippine National Police (PNP) Chief Dir./Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na asahan pang tataas ang bilang ng mga napapatay na drug suspects sa mga susunod na buwan.
Inihayag ito ng PNP Chief makaraang tumaas pa sa 207 mga drug suspect ang napapatay ng pulisya mula Hulyo 1 hanggang kahapon, Hulyo 20.
Binigyang diin ni Heneral Bato na mahigpit ang kanyang direktiba sa mga pulis na maging mahinahon sa pag-aresto sa mga drug suspect lalo’t mainit ang mata sa kanila ng mga human rights group.
Ngunit, ibang usapan na aniya kapag manlalaban ang mga inaaresto kaya’t binilinan ni dela Rosa ang mga pulis na huwag magdalawang-isip na ipagtanggol ang kanilang sarili.
Central Visayas
Samantala, 75 opisyal ng Philippine National Police sa Central Visayas ang isinalang sa reevaluation at nanganganib na matanggal sa kanilang posisyon.
Bunga umano ito ng kabiguan ng mga PNP officials na maaresto ang mga drug suspects na nasa listahan ng PNP.
Posible umanong ipatapon sa ibang mga lugar ang mga PNP officials pagkatapos ng kanilang reevaluation.
Sinasabing dalawa lamang ang naaresto sa sampung drug suspects na nasa watchlist ng Central Visayas PNP.
By Jaymark Dagala | Jonathan Andal (Patrol 31) | Len Aguirre